-- Advertisements --

Tiniyak ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa publiko na pinakilos na ng pamahalaang panlungsod ang lahat ng kanilang mga health workers at law enforcers upang mapigilan ang pagkalat ng South African variant ng COVID-19.

Kasunod ito ng mga ulat ng Department of Health na nasa apat residente ng siyudad ang dinapuan ng bagong strain.

Ayon kay Rubiano, bilang bahagi ng pinaigting na containment campaign ng lungsod, nagpakalat na sila ng 26 dagdag na nurses sa isolation facilities sa Mall of Asia, Folk Arts Theater, at Pasay Sports Complex, maging sa quarantine areas na ino-operate ng Oplan Kalinga.

Nag-deploy na rin ang city government ng karagdagang 180 pulis upang mahigpit na ipatupad ang mga health protocols.

Maliban dito, pinaigting din ng Pasay City ang kanilang contact tracing hanggang sa third level ng contacts ng mga kinapitan ng virus.

Sinabi pa ng alkalde, lahat ng mga kumpirmadong nakasalamuha ng mga pasyente ay required na sumailalim sa RT-PCR tests.

Kumuha na rin aniya ang pamahalaang panlungsod ng 100 contact tracers.