Inihayag ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez na sagad na ang pasensiya ng Pilipinas sa patuloy na pangha-harass ng China sa sarili nitong karagatan.
Ginawa ng envoy ang naturang pahayag matapos ang mga inilunsad na kilos-protesta laban sa agresyon ng China sa labas ng Konsulada ng China sa Maynila.
Sa isang panayam kay Ambassador Romualdez bago ang nakatakdang trilateral summit sa pagitan ng US, Japan at PH, sinabi nito na sa kabuuan labis na nagpasensiya o nagtiis ang ating bansa sa sitwasyon sa sarili nating karagatan kabilang ang ginagawang pagharang ng mga barko ng China sa Panatag Shoal o Scarborough shoal simula ng magkaroon ng standoff o iringan sa pinagtatalunang karagatan noong 2012.
Kaugnay nito, sinabi ng envoy na nagsasagawa ang Marcos administration ng isang multilateral approach sa maritime dispute sa West PH Sea.
Dagdag pa ni Ambassador Romualdez na ang ginagawa ngayon ni Pangulong Marcos ay magkaroon ng seryosong pag-uusap ukol sa matagal ng isyu hindi dahil sa nais natin ng gulo o away kundi dahil tayo mismo ang agresibong binu-bully.
Kailangan din aniya na mgkaroon ng laman ang mga salita para maipatupad ang sinasabing poprotektahan natin ang ating teritoryo.
Binanggit din ng envoy ang maling akala ng ilan na walang nangyayari o ginagawa para malutas ang isyu sa disputed water at ibinabala rin ng envoy na baka isang araw gumising na lamang tayo na wala na tayong bansa.
Una rito, kasabay ng pagmarka ng ika-82 Araw ng Kagitingan kahapon, nagprotesta ang ilang progresibong grupo sa konsulada ng China kasabay ng pagkodena sa agresyon ng China sa WPS.
Sinisigaw rin ng mga ito na lisanin ng China ang WPS at tinapakan ang effigy ni Chinese Pres. Xi Jinping.