Kaagad na lumikas ang mga empleyado at mga kliyente ng Pasig City Hall of Justice kaninang umaga matapos na makatanggap ito ng isang bomb threat.
Pansamantala ring inihinto ang mga pagdinig sa naturang building habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang miyembro ng bomb squad sa naturang insidente.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na nakatanggap ang ilang building officials ng umano’y bomb threat sa pamamagitan ng email dakong alas 8:45 ng umaga.
Nakasaad sa naturang email na sasabog ang bomba sa oras na alas 9 ng umaga at kailangan na kaagad na magsagawa ng paglikas.
Matapos ang isinagawang assesment ng Explosive Ordnance Disposal (EOD) K9, ideneklara nitong ligtas ang lugar.
Dito lamang pinayagan ang mga kawani ng Pasig City Hall of Justice na makapasok sa kani-kanilang opisina.
Sa ngayon ay nakikipag coordinate na ang mga otoridad sa anti-cybercrime unit para matukoy ang lokasyon ng email sender.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng monitoring ng mga Explosive Ordnance Disposal sa naturang lugar upang masiguro na ligtas na talaga ito sa anumang bomb treat o iba pang mga banta.