Nakatakdang maglunsad ng proyekto ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na layong ibandera ang urban development para sa isa sa mga pangunahing daluyan ng tubig ng Metro Manila.
Ito ang inihayag ni acting MMDA Chairman Romando Artes sa gitna ng mga panawagan na mapabuti ang kalagayan ng Ilog Pasig.
Idineklara ni Artes na ilulunsad ng gobyerno sa Enero 17 ang Pasig River Urban Development program, alinsunod sa Executive Order 35 ni Pangulong Marcos, na inilabas noong 2023.
Magugunitang noong Enero 12, nilibot nina Artes kasama si MMDA deputy chairman Frisco San Juan, Interior Secretary Benhur Abalos at Rear Admiral Hostillo Arturo Cornelio ang ilog sakay ng ferry boat ng Pasig River Ferry Service (PRFS) ng MMDA .
Nagsimula ang tour sa Guadalupe station sa Makati at natapos sa Escolta station sa Manila.
Kasama sa urban development program ang pagtatayo ng dalawang bagong PRFS stations sa Manila at Pasig.
Inalis ang istasyon sa Intramuros, Maynila kasunod ng pagtatayo ng Binondo-Intramuros Bridge na pinondohan ng China.
Ang kabilang istasyon ay matatagpuan sa Bridgetowne sa Pasig.
Ire-rehabilitate din ng gobyerno ang PUP station sa Maynila na kasalukuyang sarado.
Ayon pa kay Artes, plano ng MMDA na bumili ng mas maraming mga ferry boat, partikular ang mga kayang magsakay ng hanggang 150 pasahero, at bawasan ang turnaround period para sa mga ferry boat.
Tiniyak din ni Artes sa mga pasahero na mananatiling libre ang mga sakay sa PRFS ngayong taon.