Ibinasura ng Pasig City RTC ang apela ng kontrobersyal na Kingdom of Jesus Christ leader na si Pastor Apollo Quiboloy na humihiling na payagan na makadalo sa isang TV interview.
Una nang nag organisa ng TV Interview ang isang kilalang TV Network sa bansa na may kinalaman naman sa paghahain ng certificate of candidacy ni Quiboloy para sa pagka senador sa nalalapit na 2025 elections.
Batay sa tatlong pahinang desisyon ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 159, iginiit nito na maaaring maapektuhan ng magiging mga pahayag ng pastor ang pagtingin ng publiko sa nagpapatuloy na pagdinig ng kanyang mga kaso.
Ayon sa korte, kinikilala nila ang karapatan ni Quiboloy na humawak ng isang pampublikong panunungkulan at lumahok sa mga campaign activities ngunit binigyang diin ng korte na ito ay nakadepende pa rin sa mga regulasyon na ipinatutupad ng korte.
Kung maaalala, nagsumite ng mosyon ang kampo ng pastor sa naturang korte para payagan itong makadalo ngunit ayon sa Pasig RTC, ang mosyon ni Quiboloy ay walang kasamang pormal na imbitasyon mula sa nasabing TV network.
Nilinaw naman ng korte na hindi pinagbabawalan si Quiboloy na magkaroon ng live media interview basta’t ito ay pangangampanya at pagbabahagi lamang ng kanyang mga plataporma sa publiko.