Pinayagan ng Pasig Regional Trial Court 159 ang hiling ni KOJC founder Apollo Quiboloy na mapalawig pa ang kaniyang medical furlough hanggang sa Miyerkules, Nobiyembre 27.
Sa isang panayam matapos ang pre-trial proceedings para sa qualified human trafficking case ng pastor ngayong Biyernes, Nobiyembre 22, sinabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na ang hiling na extension ay dahil sa impeksiyon mula sa dental implants na nakaapekto sa panga ng pastor.
Hindi naman na idinetalye pa ni Atty. Torreon ang naging proceedings sa kaso ni Quiboloy.
Matatandaan na nauna ng isinugod si Quiboloy sa ospital noong Nobiyembre 11 sa Philippine Health Center dahil sa irregular heartbeat.
Ipinaliwanag pa ni Atty. Torreon na bagamat nasuri na may mga karagdagan pang pagsusuri na gagawin para matiyak na mabuti ang kalusugan ng pastor.
Naibalik naman sa detention facility ng Philippine National Police (PNP) si Quiboloy noong Nobiyembre 16.