KALIBO, Aklan — Handang-handa na ang mga pasilidad at tauhan ng Kalibo International Airport na muling tumanggap ng mga international flights .
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate, Jr. simula nang pumutok ang pandemya, ginamit nila ang pagkakataon upang ma-upgrade at ma-renovate ang kanilang pasilidad lalo na ang pagpapalawak ng International Passenger Terminal Building at parking bay.
Dagdag pa nito na halos 85 porsiyento ng bakunado ang mga empleyado ng paliparan.
Maliban dito, wala na rin umanong tinamaan ng virus sa mga kawani nito.
Ang mga turista mula sa target market ng Boracay gaya ng mainland China, Taiwan, Japan, Indonesia, Hong Kong, India, at United Arab Emirates ay maari nang makabisita sa bansa basta makapagpakita ng vaccination card at negatibong swab test result 72 oras bago ang pagbiyahe papuntang Pilipinas simula sa Nobyembre 22.
Umaasa si Engr. Monserate na muling sisigla ang aviation industry na isa aniya sa mga naapektuhan ng pandemya.