Ngayong Kapaskuhan, ipinaabot ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang taos-pusong pagbati nito ng Maligayang Pasko sa bawat pamilyang Pilipino, nasaan man silang panig ng mundo.
Ayon sa lider ng Kamara, ang panahong ito ay simbolo ng saya, pasasalamat, at pagmumuni-muni, at isang pagkakataon na maipagdiwang ang pagmamahal at pagkakaisa na nagbibigkis sa bawat isa bilang isang bansa.
Binalikan din ni Speaker Romualdez ang mga hamong pinagdaanan ng bansa, mula sa mapaminsalang bagyo at iba pang kalamidad na sumubok sa katatagan ng mamamayan, hanggang sa mga ingay at hidwaang pulitikal na nagtangkang magdulot ng pagkakawatak-watak, pero nanatiling matatag ang diwa ng pagkakaisa, malasakit, at pananampalataya ng bawat Pilipino.
Dagdag pa ni Speaker Romualdez, hindi naging madali ang taong ito, lalo na para sa mga nawalan at naharap sa matitinding pagsubok dulot ng magkakasunod na kalamidad.
Gayunpaman, ani Speaker Romualdez sa gitna ng kahirapan, nasaksihan din ng mga Pilipino ang mga kabutihan at bayanihan na nagbigay ng inspirasyon at nagpatibay sa buong komunidad.
Sa biyaya ng Diyos at sa hindi matitinag na katatagan ng sambayanang Pilipino, sinabi ni Speaker Romualdez na sama-samang nalampasan ang mga hamon at pagsubok na dumating.
Hinimok ni Speaker Romualdez ang bawat mamamayang Pilipino, na sa pagharap sa Bagong Taon ay bitbitin natin ang pangako ng mas maliwanag na bukas.
Umaasa rin si Speaker Romualdez na maghahatid ang liwanag ng Pasko ng kapayapaan, pagmamahal, at saya sa bawat tahanan at puso.