CAUAYAN CITY- Hinikayat ng City Tourism Office ang mga residente ng Cauayan City at maging ang mga kalapit bayan na mamasyal sa Paskuhan Village sa Hacienda De San Luis.
Noong December 14, 2021 ay pormal ng binuksan ang naturang paskuhan village kung saan makikita ang angking talento sa pagdidisenyo ng kani-kanilang village ang mga sangguniang kabataan ng West Tabacal, East Tabacal, Forest Region, East Tanap at West Tanap.
Sa naging panayam ng bombo Radyo Cauayan kay City Tourism Officer Maribel Eugenio kanyang hinikayat ang mga mamamayan na magtungo sa naturang paskuhan Village upang matunghayan ang ganda ng mga disenyo ng mga kabataan
Magkakaroon ng paligsahan ang limang village at pipiliin ng mga hurado ang may pinakamagandang ayos at kalinisan pangunahin ang dekorasyon ng bawat booth.
Naglaan rin ang City tourism Office ng espasyo sa harapan ng mga booth para kung gustuhin nilang magtinda ng mga pagkain ay maari silang magbenta.
Depende aniya sa mga contestants kung anong paraan nila pagagandahin ang kanilang booth .
Mayroong itatalaga ang City Tourism Office na magmomonitor sa bawat bisita na papasok sa Hacienda De San Luis upang matiyak na masunod ang mga health protocols.