-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Mahigpit ang pagpapatupad ng mga health protocols at kailangang magpakita ng vaccination card ang mga magtutungo sa Paskuhan Village sa Ilagan City matapos itong pormal na buksan sa publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni G. Paul Bacungan, information Officer ng City Government ng Ilagan na kinakailangang sumunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask ang mga papasok sa Paskuhan Village.

Sinabi ni G. Bacungan na sa entry point sa Mammangi Park at Century Park ay mayroong mga nagbabantay at sinumang pumasok sa Paskuhan Village ay kailangang magpakita ng kanilang Vaccination card na magpapatunay na sila ay nabakunahan .

Ayon pa kay G. Bacungan ang mga batang 11 anyos pababa ay maaring pumasok sa Paskuhan Village ngunit kailangang kasama nila ang kanilang mga magulang o guardian na bakunado na.

Mahigpit din ang pagbabantay ng mga kasapi ng Ilagan City Police Station upang matiyak ang kaayusan sa nasabing aktibidad.

Nagkaroon ng human lantern parade na sinundan ng sabay-sabay na pagpapa-ilaw sa Manmangi Park, Century Park at buong Paskuhan Village kagabi.