KORONADAL CITY – Suspendido ngayong araw ang pasok sa mga paaralan sa mga bayan sa tatlong lalawigan sa Soccsksargen dahil sa walang humpay na buhos ng ulan at pagbaha.
Ito ang kinumpirma ni OCD-12 Information Officer Jorie Mae Balmediano sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, unang nagsuspende ng pasok ang halos lahat na mga bayan sa North Cotabato, gayundin ang ilang bayan sa Sultan Kudarat at apat namga bayan naman sa South Cotabato na kinabibilangan ng Banga, Norala, Sto. Nino at Lake Sebu.
Napag-alaman na simula pa kahapon na nakakaranas ng pagbuhos ng ulan ang nabanggit na mga lugar kaya’t una na ring nagpatupad ng early dismissal ang mga paaralan.
Sa ngayon, daan-daang mga pamilya rin ang apektado ng baha kung saan may mga residente na rin na inilikas at nanatili ngayon sa mga evacuation center o mas ligtas na lugar.
Inaalam pa ng OCD-12 ang ulat mula sa mga PDRRMOs sa nabanggit na mga bayan ang karagdagang mga impormasyon lalo na ang pinsalang iniwan ng kalamidad sa mga pananim, pangkabuhayan at imprastraktura.