BACOLOD CITY – Kinansela ang klase sa lahat ng paaralan sa Tanjay City, Negros Oriental dahil sa banta ng pagsalakay ng rebeldeng grupo sa dalawang paaralan doon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Dexter Aguilar, Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd) Tanjay City, kanselado ang pasok sa lahat ng 60 na paaralan sa nasabing lungsod mula kindergarten hanggang Grade 12.
Ang kanselasyon ay kasunod ng ilang mensahe na natanggap ng mga guro na aatake ang New People’s Army (NPA) sa Tanjay High School at Palanas High School ngayong araw.
Ayon kay Aguilar, totoo man o hindi ang nasabing balita, hindi nila puwedeng ilagay sa alanganin ang seguridad ng mga kabataan.
Dagdag nito, nakikipagtulungan sila sa mga otoridad upang paigtingin ang alarma sa buong lungsod.
Wala pang anunsiyo kung hanggang bukas ang kanselasyon ng klase sa nasabing lungsod.