VIGAN CITY – Hindi umano masyadong apektado ng dumaraming kaso ng coronavirus disease sa Australia ang pasok ng mga estudyante lalo na ang mga nasa elementary at secondary.
Ito ay sa kabila ng karamihan sa mga bansang apektado ng COVID- 19 ay nagsuspinde na ng pasok sa paaralan ng mga estudyante upang hindi mahawaan ng virus ang mga mag-aaral.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo international correspondent Jonathan Manglinong na mula sa Camestizoan, Sto. Domingo ngunit isang health worker at frontliner sa Sydney, Australia, sinabi nito na may pasok pa rin umano sa mga elementary at secondary schools sa kanilang lugar ngunit nakadepende sa mga magulang kung papapasukin nila ang kanilang mga anak.
Aniya, inuunti-unti umano ng kanilang prime minister ang pagpapatupad ng mga hakbang laban sa nasabing sakit upang hindi gaanong mag-panic ang mga residente.
Sa ngayon, hindi pa naman umano gaanong nakakabahala ang sitwasyon sa Sydney kaugnay sa COVID- 19 ngunit naka-red alert status na ang lahat ng mga ospital.