LAOAG CITY – Ipinatupad ni Governor Matthew Marcos-Manotoc ang Provincial Executive Order No. 16-19 o liqour ban sa lalawigan ng Ilocos Norte sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Jenny.
Nakapaloob sa kautusan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtinda, pagbigay, pagbili at pag-offer ng kahit anong klaseng alak hangga’t hindi pa nakaalis ang bagyong Jenny sa lalawigan.
Sinabi ng gobernador na sa pamamagitan nito ay maiwasan ang anumang hindi magandang pangyayari dahil sa epekto ng alak habang binabayo ng bagyong Jenny ang lalawigan.
Samantala, kinansela na ni Gov. Manotoc ang klase ng lahat ng level sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan bilang bahagi pa rin ng paghahanda ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte sa posibleng epekto na naman ng bagyong Jenny.
Pinayuhan rin ng gobernador ang mga residente na mag-ingat at maging alerto para maiwasan ang mga hindi magandang pangyayari.
Samantala, ikinalungkot ni Manotoc na nakataas na naman ang Signal Number 1 dito sa Ilocos Norte kahit hindi pa nakakabangon ang lalawigan lalong-lalo na ang mga nasalanta.
Ganunpaman, patuloy na nakaantabay ang mga opisyal at concern agencies dito sa lalawigan partikular na ang Provincial Disaster Risk Reduction Management and Resiliency Council.