-- Advertisements --

Nananatiling kanselado ang pasok sa mga eskwelahan sa ilang syudad at bayan sa Negros Occidental, kasunod ng muling pagputok kahapon(April 8) ng bulkang Kanlaon.

Kabilang sa mga nagsuspinde ay ang mga eskwelahan sa La Carlota City, Bago City, La Castellana, Pontevedra, at Isabela.

Patuloy namang binabantayan ng Department of Education ang epekto ng naganap na pagsabog sa mga eskwelahan, lalo na ang tuluyang pagbagsak ng abo at iba pang volcanic materials na unang ibinuga ng bulkan.

Kasama rin sa minomonitor ang kalusugan ng mga mag-aaral.

Batay sa record ng Disaster Risk Reduction and Management Service ng DepEd hanggang nitong nakalipas na buwan, 11 eskwelahan pa ang ginagamit bilang mga evacuation center, kaya’t libo-libong mga estudyante ang hindi pa nakakabalik sa face-to-face classes.

Apektado rito ang kabuuang 11,177 estudyante at 441 faculty at school personnel.

Ang mga ito ay apektado mula sa unang pagsabog ng bulkan nitong Disyembre ng nakalipas na taon.