KORONADAL CITY – Suspendido hanggang sa ngayon ang pasok sa mga paaralan sa sa North west Syria at Turkey lalo na ang naging epicenter ng magnitude 7.8 na lindol dahil sa patuloy na aftershocks at libo-libo na rin ang nasawi dulot ng pagkawasak ng mga gusali bunsod ng malakas na pagyanig.
Ito ang inihayag sa Bombo Radyo Koronadal ni Revelyn Dolaus, Bombo International News Correpondent sa Syria na tubong Tantangan, South Cotabato.
Ayon kay Dolaus, nagpapasalamat siya at ang ibang mga OFW sa Damascus na hindi kasama ang kanilang mga tinutuluyan sa nasira ngunit trauma at takot naman ang naidulot ng sobrang lakas na pagyanig na kanilang naranasan.
Sa katunayan, nagpanic din umano sila maging ang employer nito habang nasa ikatlong palapag ng gusali na kanilang tinutuluyan.
Agad naman umanong nagpalabas ng advisory ang Philippine Embassy ay pinayuhan ang mga Pinoy na apektado na agad makipag-ugnayan sa kanila upang matulungan.
Sa ngayon, wala naman umanong naitalang mga Pinoy sa Syria na kasama sa mga sugatan o natabunan ng mga debris dulot ng gumuhong gusali.
Aniya, inaasahan din ng mga otoridad na madagdagan pa ang bilang ng mga nasawi dahil patuloy ang ginagawa nilang paghahanap sa mga lugar na lubos na naapektuhan.
Maliban sa malakas na pagyanig ay nakakaranas naman ng napakalamig na temperature ang Syria kaya’t pahirapan din umano ang ginagawang rescue operation.