-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kanselado ang trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa Albay mula ngayong araw dahil sa inaasahang matitinding pag-ulan dulot ng bagyong Jolina.

Batay sa ipinalabas na advisory ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), pinangangambahan kasi na posibleng magdulot ng mga pagbaha ang nasabing sama ng panahon.

Inabisuhan na rin ang mga disaster risk reduction and management offices na magpatupad na ng suspension ng pasok sa mga pampubliko at pampribadong opisina kasama na ang operasyon sa mga mall.

Epektibo ang nasabing kautusan mula ngayong araw, Setyembre 7.

Exempted naman dito ang mga tanggapang may kinalaman sa public safety, emergency response, hospitals at medical services at disaster risk reduction.

Bukas naman ang mga grocery store hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong araw.

Samantala, una na ring nakaalerto ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa mga lugar sa Bicol bago pa man itaas ang storm signal sa ilang lalawigan sa rehiyon.