(Update) Nagpapatuloy ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa natitira pang sakay ng Ro-Ro vessel na MV Asia Philippines na nasunog habang padaong na sana sa Batangas anchorage area.
Habang sinusulat ang balitang ito, iniulat ni PCG spokesman at Commodore Armand Balilo na umaabot na sa 73 na mga sakay ng passenger vessel ang kanilang na-rescue mula sa 82 kabuuang individual na sakay ng barko. Meron pa umanong walong hinahanap na mga sakay. Isa naman ang isinugod sa ospital.
Sa kabuuang bilang na 82 nasa 48 ang mga pasahero at 34 naman ang mga crew members.
May impormasyon pa na may karga ring mga sasakyan ang barko na umaabot sa 15.
Sinasabing nanggaling umano ang MV Asia Philippines sa Calapan, Oriental Mindoro.
Dakong alas-5:59 nitong hapon ng Biyernes nang maiulat ang nagaganap na sunog sa naturang passenger vessel.