Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinaberipika raw nito sa intel ang pagkakaroon ng “pastillas” scheme o ang pagtanggap ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) ng pera kapalit ng pagpapapasok sa mga Chinese sa Pilipinas.
Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Duterte na matapos na mapatunayang totoo ang ulat ay kanya nang pinasuspinde ang mga BI officials na dawit sa isyu nang sa gayon ay maimbestigahan ang mga ito.
Una nang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na itinuturing ni Pangulong Duterte na matinding uri ng korupsyon ang “pastillas scheme” na hindi maaaring hayaan na lamang ng pamahalaan.
Ayon kay Panelo, gaya ng paulit-ulit nilang sinasabi, walang “sacred cows” sa administrasyon at makakatikim ng parusa ang sinumang opisyal na susuway sa kanilang pagpapatupad ng tungkulin.
Pinakikilos na rin ng Malacañang ang BI para sa deportation proceedings laban sa mga Chinese workers sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na iligal na pumasok sa bansa at nakinabang sa “pastillas modus” sa airport.
Ani Panelo, trabaho ng Immigration na palayasin ang mga dayuhang hindi sumailalim sa tamang proseso ang pagpasok sa Pilipinas at hindi lamang mga Chinese.
Dapat din aniya ay alam ng Immigration ang trabaho nila at hindi na kailangan pang pagsabihan ng Malacañang.