DAVAO CITY – Aminado ni Pastor Apollo Quiboloy na sinuportahan nila ang buong kandidato na inindorso ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit ang impluwensiya umano ng Pangulo ang isa sa mga rason sa pagkapanalo ng mga senatorial candidates ng administrasyon.
Sinabi ni Quiboloy, founder at leader ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) The Name Above Every Name, Inc., na ang ginawang indorso ng kanilang kongregasyon ay bahagi lamang ng pagkakapanalo sa kanilang sinuportahan na mga kandidato.
Dagdag pa ni Quiboloy na tradisyon na ng mga kandidato na humiling sa kanila ng endorsement lalo na at may 4 milyon daw silang miyembro sa KJC sa bansa at dalawang milyon na mga followers sa ibang bansa.
Inihayag rin ni Pastor Quiboloy na nagdadalawang isip siya na mag-indorso ng mga kandidato sa nakaraang midterm elections, dahil ayaw niyang madismaya ang iba pang mga politiko na kanyang kaibigan.
Aminado rin ito na sinuportahan niya ang panukala ng Ilocos Norte governor na imbestigahan ang mga discrepancies na nangyari sa nakaraang eleksiyon lalo na ang matagal na transmission sa electoral results at malfunctioned na mga vote counting machines (VCMs) sa ilang lugar sa bansa.