Inihayag ng Philippine National Police na mayroong pagmamay-ari na mga armas si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang kinumpirma ni PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo sa gitna ng nagpapatuloy na manhunt operation ng kapulisan laban sa akusadong pastor matapos ang inilabas na warrant of arrest ng Davao Regional Trial Court laban sa kaniya kaugnay sa mga kasong sexual at child abuse na kaniyang kinakaharap.
Ayon kay PCol. Fajardo, mayroong 19 na baril ang pagmamay-ari ni Quiboloy kabilang na ang isa aniyang firearm na napaso na nitong buwan ng Marso habang ang iba naman ay mayroong valid at existing pa na lisensya.
Aniya, kasalukuyan nang pinag-aaralan ngayon ng PNP Firearms and Explosives Office kung maaari pang ipasuspinde ang mga lisensya ng baril ng pastor nang dahil sa kaniyang mga kasong kinakaharap sa ngayon.
Samantala, gayunpaman ay hindi pa rin ikinokonsidera ng PNP na armed and dangerous si Pastor Quiboloy sa kabila ng pag-iingat o pagmamay-ari ng baril dahil wala naman aniya siyang naging record noon na naging marahas at mayroong private army ito.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad sa church leader para isilbi ang warrant of arrest na inisyu ng Davao RTC.
Kasabay nito ay muli namang nanawagan ang opisyal Kay Quiboloy na kaharapin ang kaniyang kaso dahil dapat na aniyang respetuhin nito ang judicial authority ng Korte at sumuko na lang.