BACOLOD CITY – Tinutukoy pa ng mga otoridad ang motibo sa pagpatay ng armadong mga lalaki sa isang pastor at dating barangay kagawad sa Sipalay City, Negros Occidental.
Kinilala ang biktima kay Lonie Lahao-Lahao, 54,residente ng Sitio Pinus-an, Barangay Camindangan, Sipalay City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Lt. Col. Necerato Sabando, hepe ng Sipalay City Police Station, papauwi na sana ang biktima kasama ang kanyang misis sakay ng kanilang tricycle nang bigla na lang may humarang sa kanila na apat na mga kalalakihan at agad na binaril ng mga ito si Lahao-Lahao.
Dahil sa tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, kaagad na namatay ang pastor.
Ayon sa hepe, agad na tumakas ang mga suspek matapos ang krimen.
Sinasabing informant si Lahao-Lahao ng militar sa kanilang lugar.
Nabatid na dati itong barangay kagawad at tumakbo din bilang konsehal sa kanilang lungsod ngunit hindi nanalo.
Ayon naman sa asawa ng biktima, Disyembre 2018, pinasok din ng mga armadong katao ang kanilang bahay at hinanapan ng baril ngunit wala silang nakita.
Sa ngayon, patuloy pa ang imbestigasyon ng Sipalay City Police Station upang matukoy ang motibo sa pagpaslang.