KALIBO, AKLAN – Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10951 o Resistance and Disobedience ang isang pastor matapos na hindi sumunod sa ipinapatupad na social distancing sa kabila ng banta ng coronavirus disease.
Ayon sa Altavas Police Station, kakasuhan ang pastor na kinilalang si Ivan Yadao, 41, matapos na magkaroon ng pagtitipon ang mga miyembro nito sa loob ng kanilang chapel sa Barangay Dalipdip, Altavas, Aklan.
Napansin umano na hindi pinapairal ang social distancing ng mga matatanda at batang nakikinig sa kanyang bible study.
Pinuntahan at sinita umano ni punong barangay Edilberto Domingo si Pastor Yadao bitbit ang inilabas na Executive Order ni Aklan Governor Florencio Miraflores ukol sa ipinapatupad na enhanced community quarantine sa buong lalawigan subalit itinapon lamang ito ng pastor.
Matapos ang mainitang pagtatalo, inaresto ito ng kapitan kasama ang ibang mga kagawad at tanod at dinala sa pulisya.