LEGAZPI CITY – Nasa kustodiya na ng Polangui Municipal Police ang isang pastor sa Albay matapos silbihan ng arrest warrant ng kapulisan mula sa Southern Leyte.
Nahaharap umano si Pastor Xiri Wyn Yap o Teddy Balagon sa tunay na pangalan, sa dalawang bilang kasong estafa.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Ed Azotea, hepe ng Polangui-Philippine National Police, madaling araw nang dumating sa himpilan at nakipag-ugnayan ang Hinunangan Municipal Police Station sa pamumuno ni P/Maj. Dexter Edillo, dala ang mga arrest warrant laban kay Balagan.
Nabatid naman na bukod sa pagiging pastor ng Missionary Baptist Church, si Balagon ay sinasabing may-ari rin ng isang local radio station sa naturang bayan.
Handa naman umanong harapin ni Balagon ang mga kaso habang aminadong nagkasala rin bilang tao.
Samantala, inaasahang maipoproseso ngayong araw ang pagpiyansa ng pastor sa halagang P25,000 at P40,000 kaugnay ng mga kinakaharap na kaso.