BUTUAN CITY – Nag-public apology na ang pastor na nag-post ng fake news ukol sa umano’y dalawang kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bayan ng Veruela, Agusan del Sur na nagresulta sa pag-panic ng mga tao.
Dahil dito inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa suspek na si Michael Perez Gumunit, 29, binata, residente ng Brgy. Binucayan sa bayan ng Loreto ng nasabing lalawigan at pastor ng International One-way Outreach Foundation Incorporated na nakabase sa bayan ng Veruela.
Napag-alamang nag-panic ang mga taong nakabasa ng kanyang Facebook post kaugnay sa umano’y dalawang kaso ng COVID-19 na naitala sa Brgy. San Gabriel at Sta Emilia sa bayan ng Veruela.
Kaagad itong pinasubaybayan ng mga opisyal at pulisya ng naturang bayan hanggang sa nakumpirmang peke ang kanyang nai-post na nagresulta pa sa pagkakatukoy sa responsable.
Kaugnay nito humingi nang paumanhin ang pastor sa lahat ng nag-panic dahil sa kanyang malaking pagkakamaling nagawa at umaasang patatawarin siya.