BACOLOD CITY – Natataranta ang karamihan sa bansang Cameroon kasunod nang pagkamatay ng sikat na si Pastor Frankline Ndifor dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bumuhos kasi ang kanyang mga tagasunod sa kanyang tirahan kung saan ito inilibing.
Bunsod nito, hirap ang mga pulis na pasukin ang kanyang tirahan dahil hinaharang ito ng mga tagasunod ng namayapang pastor.
Nakita rin ng mga pulis na nagkakantahan ang mga miyembro ng simbahan nito at hinihintay ang umano’y muli nitong pagkabuhay dahil pinaniniwalaan na isa itong propeta at nagpapagaling pa sa mga dumaranas ng sakit na COVID-19.
Hiling naman ng mga medical staffs na magpa-check up ang mga taong nakasalamuha ng pastor na namatay 10 minuto matapos gamutin.
Sa ulat ni Star FM Bacolod international correspondent Nard Jimenez sa Cameroon, hindi umano sila palagiang lumalabas na mga Pinoy lalo pa siya na kasalukuyang nasa seminaryo.
Umaabot 3,529 ang COVID-19 cases at 140 ang naitalang namatay sa naturang bansa.