-- Advertisements --

Hinimok ni Senador Robinhood Padilla si Kingdom of Jesus Christ Leader Pastor Apollo Quiboloy na sumuko na sa mga awtoridad kasunod ng warrant of arrest na inilabas ng Davao Regional Trial Court para sa kaso nitong child abuse.

Payo ni Padilla, na kaibigan at tagapagtanggol ng religious leader sa Senado na dahil nasa korte na ang mga kaso ay mas mainam kung magpakita na ito upang naiwasan sana ang paglaki pa ng isyu.

Umaasa si Padilla, na magiging mapayapa at walang karahasang mangyayari kung maaaresto o sumuko na si Quiboloy lalo’t siguradong marami sa mga mananampalataya ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang masasaktan dahil dito.

Kumbinsido rin ang mambabatas na may halong politikal ang isyu kay Quiboloy kaya naman pakiusap nito sa mga ahensya ng gobyerno at sa mismong Senado na huwag idamay ang relihiyon. 

Gayunpaman, hindi naman isinasantabi ng senador ang mga sinasabing biktima ng pang-aabuso ni Quiboloy pero kanyang pakiusap, ito ay pag-usapan na lamang sa korte upang hindi maimpluwensyahan ng mga politically-motivated na kaso.

Una rito, Kabilang sa mga paglabag na iniuugnay kay Quiboloy at sa kanyang mga umano’y kasabwat ay large-scale and systematic trafficking, sexual abuse, forced labor, at iba pang paglabag sa karapatang pantao.