Inakusahan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy ang gobyerno ng Amerika na umano’y kasabat ng mga opisyal ng gobyerno ng PH, na nagpaplanong dispatsyahin siya sa pamamagitan ng rendition may kaugnayan sa mga kinakaharap niyang kaso sa US.
Sa 37 minutong audio message, sinabi ni Quiboloy na nalaman niya mula sa isang reliable sources na target umano ng US government bodies kabilang ang Central Intelligence Agency (CIA) at Federal Bureau of Investigation (FBI) na magsagawa ng rendition laban sa kaniya sa halip na extradition.
Sa kabatiran ng publiko, ang rendition ay ginagawa kapag ang isang suspek na mayroong outstanding arrest warrant ay pwersahang dudukutin mula sa isang estado.
Pagbubunyag pa ni Quiboloy na hindi lamang rendition kundi elimination ang gagawin o kung nagkataon ay maaari umano siyang i-assassinate.
Ayon pa sa kontrobersiyal na religious leader, sa pamamagitan ng rendition, maaaring pasukin ng mga awtoridad ang kaniyang compound anumang oras at dukutin siya.
Ilan pa sa mga akusasyon ni Pastor Quiboloy laban sa US ay nag-alok umano ito ng $2 million o katumbas ng P100 million na patong sa kaniyang ulo para sa ikadarakip niya at umano’y planong pagtatanim ng ebidensiya gaya ng bomba, baril maging mga droga laban sa kaniya base pa rin sa kaniyang source, bagay na babantayan umano ng kaniyang kampo.
Samantala, sinabi naman ni Pastor Quiboloy sa US na mas gugustuhin niya ma-extradite na lamang na siyang treaty ng ating bansa at sa katunayan ay nakahanda itong harapin ito.
Matatandaan na kasalukuyang nasa FBI most wanted list si Pastor Quiboloy dahil sa mga kinakaharap nito na kasong sex trafficking at bulk cash smuggling cases at iba pa