Isinailalim agad sa booking process si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, co-accused nito na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada at Sylvia Cemañes.
Ginawa ang pagkuha ng fingerprints at mug shots nang dumating ang mga ito sa Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, kinunan din ng blood pressure sina Quiboloy at ilan sa kanila ang natukoy na mataas ang presyon.
“Kinukumpirma po natin na hawak natin si Pastor Apollo Quiboloy, si Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada at Sylvia Cemañes. Nakuha natin ang custody nila around 5:30 PM. Mga bandang 6:30 PM ay nilipad natin sila mula Davao papunta rito sa Villamor tayo lumabas. Lumapag ang C-130 lulan itong nasabing mga indibidwal, nakarating sila sa Villamor, around 8:30 PM at nakarating tayo sa Custodial Facility ng around 9:10 PM,” ayon kay Fajardo.
Bago nakarating sa Kampo Crame, isinakay ang mga ito sa C-130 military plane mula sa Davao City.
Ang naging pagpapasuko ay dahil umano sa joint effort ng PNP at AFP.
“Nangyari ito, dahil kaninang mga bandang 1:30 PM, nagkaroon ng negosasyon para sa mapayapa nilang pagsuko dahil binigyan natin sila ng ultimatum na within 24 hours ay kailangan nilang sumuko at nagkaroon ng negotiation. Ito ay joint efforts ng PNP at AFP. Sa loob po ng KOJC Compound natin sila nakuha. Nagbigay ang PNP ng ultimatum na sumuko sila, otherwise ay papasukin natin ang isang particular building na hindi tayo pinapayagang pumasok. Nagkaroon ng negotiation ang PNP, kinatawan ng intelligence group, at ISAFP, pinagtulungan ito that led to peaceful surrender of Pastor Quiboloy at 4 pa. Nagpapasalamat tayo sa naging mapayapang proseso na ito,” saad pa ng opisyal.