Uusigin muna sa Pilipinas ang sumukong si KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy para sa mga krimeng nagawa niya dito sa bansa ayon sa Department of Justice.
Sakali man aniya na ma-convict ang pastor, dapat munang isilbi ang kaniyang sentensiya dito sa bansa bago pahintulutan ang anumang request ng Amerika para sa posibleng extradition ni Quiboloy.
Dagdag pa ng ahensiya na kinikilala nito ang extradition treaty na mayroon ang Pilipinas sa Amerika kung saan nga humaharap din sa patung-patong na kaso si Quiboloy at nasa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Una ng inihayag din ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na susundin nila ang due process sa pag-usig sa kontrobersiyal na religious leader.
Ikinalugod din ng kalihim ang pagkakaaresto o pagsuko ng matagal na nagtagong pastor. Isang testamento aniya ito sa propesyunalismo at commitment ng puwersa ng gobyerno sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, na kanilang palaging katuwang sa pag-uphold ng rule of law mula’t simula pa lamang.
Sinabi rin ng opisyal na hindi naging madali ang paghuli sa pastor dahil sa umaapaw na suporta, impluwensiya, kayamanan at kapangyarihan ni Quiboloy. Nagtulak aniya ito sa puwersa ng estado sa kanilang limitasyon nang hindi nilalabag ang batas at napanatili aniya ang legalidad sa kanilang bawat hakbang hanggang sa matapos ang larong hide-and-seek sa pastor.
Matatandaan una ng sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na sumuko sa mga awtoridad sina Quiboloy at 4 pang kapwa akusado niya matapos na bigyan sila ng 24 oras na ultimatum.
Ayon sa PNP official kasama ni Quiboloy na sumuko sa loob ng KOJC compound sa Davao city sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cements.