CAGAYAN DE ORO CITY – Binantaan ngayon ng grupo ni Pastor Apollo Quiboloy ng Kingdom of Jesus Christ si Kabus Padatoon (KAPA) Ministry International Inc., founder Pastor Joel Apolinario na itigil na ang iligal na mga gawain nito sa mga tao sa bansa.
Ito ang pahayag ni Quiboloy matapos binatikos ng mga kaanib ni Apolinario nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga otoridad na ipasara na ang lahat ng KAPA offices.
Sinabi ni Pastor Quiboloy na hindi raw katanggap-tanggap ang mga ginawa ni Apolinario kaya binalaan niya ito na itigil na ang umano’y panloloko sa pamamagitan ng mga pangongolekta ng pera na kunwari ay donasyon.
Inihayag pa nito na hindi dapat ikagalit ng mga tauhan ni Apolinario kung idinulog niya Duterte ang usapin para tuluyang matigil ang iligal na ginawa ng grupo.
“Dahil nanloloko ka at ginamit ang salita ng Diyos, humanda ka sa akin kung hindi kaligtasan ang inyong dala! Kakaladkarin talaga kita patungo sa impiyerno. Huwag kang gumamit sa mga salita ng Diyos upang pagtakpan ang mga ginawa ninyo na mga kalokohan,” ani Pastor Quiboloy.
Una rito, sa TV program ni Quiboloy unang pumutok ang kautusan ni Duterte na agad namang itinanggi ng KAPA at iginiit na Setyembre 2017 pa umano ang lumabas na video.
Napag-alaman na sunod-sunod na ni-raid ng Security and Exchange Commission, National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-CIDG ang tanggapan ng KAPA kahapon sa ilang bahagi ng bansa alinsunod na rin sa kautusan ng korte.