DAVAO CITY – Nakahanda umano si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy na harapin ang kaso na isasampa ni Sen. Manny Pacquiao.
Hinamon pa niya ito sa isang debate may kaugnayan sa kuwestiyonableng proyekto sa Sarangani na nagkakahalaga umano ng mahigit sa P3 bilyon.
Una nang sinabi ni Pacquiao na sasampahan niya ng kaso si Pastor Quiboloy kasabay nang pagtawag nito rito bilang pekeng pastor.
Ayon kay Quiboloy, naiintindihan niya ang sunod-sunod na pagkatalo ni Pacquiao na isa umanong “karma” sa opisyal.
Sinabi rin nito na bilang isang opisyal sa gobyerno dapat rin umanong sagutin ni Sen. Pacquiao ang mga tanong sa kanya na may kaugnayan sa interes ng publiko sa halip ay aatakehin siya ng personal ng opisyal.
Dagdag pa ng pastor, pipili lamang si Pacquiao ng lugar kung saan sila magdedebate at pag-uusapan nila ang tatlong isyu na kinabibilangan ng maanomalyang proyekto sa Sarangani kung saan siya umano ang author.
Dapat din daw patunayan ni Sen. Pacquiao na hindi siya sinungaling at ang pagtawag sa kanya na pekeng pastor.
Marami na umanong kaso na hinarap si Pastor Quiboloy sa mahigit na 30 taon kabilang na ang mga reklamo sa labas ng bansa ngunit lahat umano nito ay kanyang napanalunan.
“Marami naman akong ebidensiya na hindi paninira sa akin baka matalo ka naman naman doon. Natalo ka sa PDP Laban, tapos kay Ugas, tapos matatalo ka naman dito sa kaso, kung anong ikakaso mo sa akin,” ani Quiboloy sa kanyang programa na SMNI Live.
Kung maalala, kilala si Pastor Quiboloy na isa sa malapit na kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una nang bumwelta si Pacquiao kay Quiboloy dahil umano sa alegasyon na walang katotohanan.
“Dapat di siya nakikialam sa gobyerno. Magpokus na lang po siya para doon sa pag-evangelize sa kanyang mga disipulong naniniwala sa kanya,” ani Pacquiao. “Magfa-file po ako ng case against him… Hindi lang po siguro isang kaso but we will announce po kapag labas ko rito sa quarantine… Ako mismo ang magfa-file ng case against him.”