Inihayag ng tumatayong legal counsel ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy na si Atty. Ferdinand Topacio na seryosong ikinokonsidera ng kaniyang kliyente ang lahat ng legal options sa kaniya kung haharap ito sa congressional investigation at sa pagtugon sa subpoena.
Sinabi din ni Atty. Topacio na inaasahan nilang makakapagdesisyon na si Pastor Quiboloy sa lalong madaling panahon kaugnay sa naturang usapin.
Gayunpaman, sinabi din ni Topacio na nakikipagtulungan na ang kanilang kampo sa Senado at House of Representatives may kinalaman sa subpoena para kay Quiboloy para dumalo sa congressional public hearings.
Matatandaan na nagpapatuloy ang isinasagawang inquiries ng Senate committee on women, children, family relations and gender equality kaugnay sa umano’y mga krimen na na-commit ni Pastor Quiboloy at kaniyang sekta na Kingdom of Jesus Chirst.
Habang ang House committee on legislative franchises naman ay nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga paglabag ng Sonshine Media network International (SMNI) na sinasabing pagmamay-ari ni Quiboloy, kaugnay sa kanilang prangkisa at pagpapakalat umano ng fake news.
Maliban naman sa mga imbestigasyon ng 2 kapulungan ng Kongreso, humaharap din si Quiboloy sa patung-patong na kaso sa US kabilang ang sex trafficking of children at nasa listahan din ng most wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI) at kamakailan lamang ay inilagay na rin sa Interpol red notice.