DAVAO CITY – Kampante si Kingdom of Jesus Christ pastor Apollo Quiboloy na nalulusotan niya ang P100 milyon cyberlibel case na isinampa ni Sen. Manny Pacquiao.
Ayon kay Pastor Quiboloy, sobrang kampante umano ang kampo ng senador na mananalo sa kaso kahit hindi pa ito umusad sa korte.
Dagdag pa ni Quiboloy na sapat ang kanyang mga abogado para harapin ang nasabing kaso na nag-ugat sa pagkuwestiyon nito kay Sen. Pacquiao sa sinasabing higit tatlong bilyong halaga ng sports complex na itinayo sa Sarangani.
Sinabi rin nito na dahil pinasok ng senador ang politika, dapat tanggapin umano ng opisyal ang mga batikos o kritisismo mula sa mga tao at maging kay pastor Quiboloy dahil isa rin umano siyang tax payer.
Dagdag pa nito na kaya niyang harapin ang ano mang reklamo ngunit kailangan na nakatutok lamang ito sa iisang isyu.
Wala rin umanong problema kung pag-uusapan ang pagkakaibigan nila ng Senador kung saan maaari umano silang magkape at pagkatapos ay maghaharap sa korte.
Hinahanda na rin umano ngayon ng kanyang mga abogado ang susunod na hakbang kung sakaling matanggap na nila ang complaint affidavit mula sa kampo ng senador.