ILOILO CITY – Kinansela ng Iloilo City government ang gagawing international religious assembly dahil sa pangamba sa Coronavirus Disease 2019.
Ang nasabing aktibidad ay tinawag na RUN for Jesus 2020 na nakatakdang isagawa bukas, Pebrero 27 sa football field ng La Paz, Iloilo City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo City Mayor Jerry Treñas, sinabi nito na kinansela ang RUN for Jesus 2020 dahil ang 35 na mga event coordinators nito at 15 mga pastor na dadalo ay nagmula sa Daegu City, South Korea kung saan mayroong kaso ng COVID-19.
Ayon sa alkalde, magpapalabas siya ng executive order hinggil sa kanselasyon ng lahat ng mga public gatherings sa buong buwan ng Pebrero hanggang Marso.
Ani Treñas, pinayuhan na rin ang mga South Koreans na manatili sa kani-kanilang mga hotels at boluntaryo na sumailalim sa 14-day quarantine period.
Napag-alaman na panauhin pandangal si Sen. Manny Pacquiao sa nasabing aktibidad.