Pinag-aaralan pa rin umano ng pamahalaan kung papalawigin pa ang enhanced community quarantine (ECQ) o magpatupad na lamang ng modified na bersyon nito sa Luzon.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na lumabas raw ang mga suhestyon matapos magsumite ng kani-kanilang reports sina Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion at Finance Sec. Sonny Dominguez.
Paglalahad pa ni Roque, ipinanukala ni Concepcion ang pag-relax ng ECQ lamang sa barangay para sa mga industriya na nais magsimula muli.
Habang kay Dominguez naman aniya ang modification base sa geographical location bunsod na rin ng mga may sakit at mga mahihina na ika-quarantine.
Nanawagan din ang kalihim sa publiko na sundin ang mga umiiral na quarantine protocols habang hinihintay ang magiging pasya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang matatapos na sana noong Abril 13 ang enhanced community quarantine, ngunit pinalawig pa ito hanggang Abril 30.
Una na ring sinabi ng Pangulong Duterte na aalisin lamang niya ang community quarantine sa oras na magkaroon na ng antibody treatment laban sa COVID-19.