Sana raw ay maging patas ang magiging hatol o pasya ng hustisya para sa puganteng si Apollo Quiboloy.
Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, na isa ring Davaoeño, mabuti na rin na sumuko si Quiboloy upang magkaroon na rin ng kapayaan sa Davao.
Naawa si Go sa kaniyang mga kababayan na naghahangad lamang nang isang mapayapang pamumuhay at umuwi sa kanilang mga tahanan na walang gulo.
Nagpaabot din ng awa ang mambabatas sa mga kapulisan na nakapalibot sa KOJC compound kung saan kinailangan lang aniyang sumunod sa nakatataas sa kanila.
Una rito, nag-ugat ang pagsuko ni Quiboloy matapos bigyan ng ultimatum ng PNP ang kampo ng pastor ng hanggang 24-oras at kung hindi tutugon ay hindi sila magdadalawang isip na pasukin ang isang gusali na pinagbabawalan silang makapasok.
Nagkaroon ng negosasyon ang PNP intelligence group at ang Intelligence Group din ng Armed Forces of the Philippines sa kampo ni Quiboloy.
Sa mismong compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) natagpuan sina Quiboloy at apat na iba pa.
Matapos ang pagsuko ng grupo ni Quiboloy ay agad silang dinala sa PNP Custodial center sa Camp Crame nitong Linggo ng gabi.
Magugunitang nahaharap si Quiboloy ng kasong child abuse, sexual abuse, and qualified trafficking.