Todo paliwanag ngayon ang TNT sa dahilan kung bakit inalis si Tab Baldwin bilang assistant coach at consultant ng KaTropa.
Ayon kay TNT manager Gabby Cui, nagawa na raw ang desisyon bago pa man ipatupad ang lockdown noong buwan ng Marso dahil sa coronavirus pandemic.
Nilinaw naman ni Cui na wala itong kinalaman sa kontrobersyal na mga pahayag ni Baldwin kaugnay sa PBA at sa mga coach.
Sinabi pa ng team official, nasa mabuting kamay naman daw ang KaTropa dahil sa kasalukuyang komposisyon ng coaching staff.
Sa kabila nito, mananatili pa rin daw si Baldwin bilang head coach ng Ateneo Blue Eagles, maging ang posisyon nito bilang program director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ay hindi babawiin.
Matatandaang sa isang podcast, binanatan ni Baldwin ang professional league tungkol sa one import rule, officiating maging ang paraan ng pagko-coach sa PBA.
Una na ring humingi ng paumanhin si Baldwin kay PBA Commissioner Willie Marcial sa idinulot na kontrobersya ng kanyang mga komento.
Subalit itinuloy pa rin ni Marcial ang pagpapataw ng P75,000 na multa at three-game suspension kay Baldwin.