Suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pasya ni Sec. Carlito Galvez Jr. na bumili ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac Biotech.
Ito ay sa kabila pa rin ng kaliwa’t kanang mga batikos tungkol sa efficacy o pagiging mabisa ng naturang bakuna na gawang China.
“Ako, kung ano ang piliin ni Sec. Galvez, would bind me. Parang ako na rin ang bumili ng bakuna. So hindi ako magbili ng bakuna na hindi tama,” pahayag ng Pangulong Duterte sa kanyang weekly public address.
“Ultimately, actually, sa lahat ng ito, kung may bulilyaso, ‘yung amin sa gobyerno na pinili at nine-negotiate ngayon, kung may bulilyaso, at the end of the day, akin talaga ‘yang responsibilidad,” dagdag nito.
Ayon pa sa pangulo, malaya raw ang mga local government units na bumili mula sa ibang mga pharmaceutical companies.
“Maraming local government units who opted to go on their own. Sila ang magbili, may pera sila, at sila ang mamili ng kanilang vaccine,” wika ng pangulo.
“We are not forcing anybody to join the cause of the national government. Hindi namin pinipilit na sumali kayo sa ibibigay na bakuna ng national government,” dagdag nito.
Sa kabila nito, binigyang diin ng Pangulong Duterte na may batas pa ring dapat sundin kaugnay sa pagbili ng bakuna.
“I’m now addressing myself to the mayors, governors. You can choose any vaccine you like to buy. Wala kaming pakialam kung ano ang pipiliin ninyo. Hindi kami makiaalam sa lahat ng bagay in the purchase,” sabi ni Duterte.
“Alam ninyo kasi may batas tayo na lahat ng medisina, whatever nature and whatever be its characteristics, magdaan talaga muna ng pagsilip sa gobyerno. Ang gobyerno kasi ang last eh. Ang gobyerno kasi ang babagsak dito, after sa bakuna ng iba tapos may babagsak na 5,000 Filipino, ililibing ako dito,” dagdag nito.
Inihayag ng Pangulong Duterte na kasing-inam ng COVID-19 vaccine na gawa ng Sinovac ang gawa naman ng ibang mga manufacturer.
“The bakuna that Sec. Galvez is buying is as good as any other bakuna na naimbento ng mga Amerikano o ng mga Europeans,” sambit ng presidente.
“Hindi nagkulang ang Chinese, hindi sila nagkulang sa utak. Bright itong mga Intsik and they would not venture kung hindi sapat, it is not safe, sure and secure… That is the guarantee,” ani Duterte.
Gayunman, batay sa resulta ng clinical trial sa Brazil, nagpakita lamang ng “general efficacy” na 50.4% ang coronavirus vaccine na gawa ng Sinovac.
Batay sa datos mula sa tanggapan ni Senator Sonny Angara, papatak ng P3,629 ang dalawang doses ng COVID-19 vaccine ng Sinovac, na ikalawa sa pinakamahal na bakuna sunod sa Moderna, na may presyong naglalaro sa P3,904 na P4,504 para sa dalawang doses.
Habang ang dalawang doses ng AstraZeneca vaccine ay nagkakahalaga lamang ng P610.
Karamihan sa mga local government units ang kumuha ng COVID-19 vaccine na gawa ng AstraZeneca.