CENTRAL MINDANAO – Binawian ng buhay ang isang ginang na kapapanganak pa lamang at lima ang nasugatan sa vehicular accident sa Maguindanao.
Nakilala ang nasawi na si Baimasla Adam, 22, may asawa at residente ng Barangay Sapalan, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Sugatan naman ang driver ng ambulansya na si Jojo Tong, 42, at nakatira sa Datu Piang, Maguindanao.
Kasama sa mga nasugatan sina Amir Salik, 32, driver ng multicab mini-van, mga pasahero niya na sina An-an Salim, 29, at 7-anyos na bata, pawang mga residente ng Mother Kabuntalan, Maguindanao.
Nagtamo rin ng sugat ang driver ng Toyota Fortuner na si Sandrabai Taha, 51, nurse, na nakatira sa Sultan Kudarat Maguindanao.
Ayon kay Datu Odin Sinsuat chief of police Lieutenant Colonel Rommel Dela Vega na binabaybay ng ambulansya ang national highway mula sa Dinaig Hospital patungong Cotabato City sakay ang nasawing si Adam na dadalhin sana sa Cotabato Regional and Medical Center.
Ngunit pagsapit ng ambulansya sa kanto ng Barangay Taviran, Datu Odin Sinsuat ay aksidenteng nasalpok nito ang isang multicab mini van na nagmula sa bayan ng Mother Kabuntalan na papaliko sa national highway.
Nadamay rin ang isang SUV na kasalubong ng ambulansya at sugatan ang driver nito na isang nurse.
Agad dinala sa CRMC ang mga sugatan ngunit binawian ng buhay ang pasyante na lulan ng ambulansya.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station (DOS-MPS) sa naturang pangyayari.