CAGAYAN DE ORO CITY – Naging viral sa social media ang video ng isang ambulance driver at traffic enforcer na nag-away sa gitna ng daan na naging sanhi umano ng pagkamatay sa pasyenteng sakay sa ambulansiya dito sa lungsod.
Ito ang dahilan kung kaya’t nagsagawa ng imbestigasyon ang mga opisyal ng Road and Traffic administration sa pangyayaring naganap sa pagitan nila ni Alvin Carlos, 44-anyos, ambulance driver ng Capitol University Medical Center at ang traffic aide na si Lee Bersano.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni RTA deputy for administration Doi Ramero na lumabas sa kanilang pasiunang imbestigasyon na hindi pagkaunawaan lamang ang dahilan ng kanilang pagsasagutan sa gitna ng kalsada habang nag-aagaw buhay ang pasyente sa loob ng ambulansiya.
Nagalit umano si Carlos nang harangin siya ng RTA ngunit ipinaliwanag ni Bersano na hindi ang ambulansiya ang kaniyang hinarang kundi ang ibang sasakyan upang mabigyan ito ng daan.
Hindi lang umano naunawaan ni Carlos ang senyas ng traffic aide kung kaya’t bumaba ito sa ambulansiya at nakipagsagutan kay Bersano.
Matapos ang matinding sagutan ng dalawa, humarorot na ang ambulansiya papuntang hospital ngunit hindi na umabot ng buhay ang pasyente.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa ngayon ng RTA upang mapanagot ang maysala sa naturang pangyayari.