TUGUEGARAO CITY – Hinihintay na lang umano ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang resulta ng swab samples ng isang pasyente na pinaniniwalaang positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Governor Manuel Mamba ng Cagayan, ito ang sinabi sa kanya ni Dr. Glenn Baggao na siyang medical center chief ng CVMC sa kanilang pag-uusap sa pamamagitan ng text.
Sinabi ni Mamba na naniniwala siya at maging si Baggao na positibo sa COVID-19 ang nasabing pasyente na residente ng Barangay Caritan bagama’t wala pa ang resulta ng kanyang specimen na ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine.
Nabatid na umuwi kasi ang pasyente noong March 11 sa Tuguegarao City at nagkasakit kaya dinala sa CVMC.
Kaugnay nito, sinabi ni Mamba na umaabot na sa mahigit 14,000 ang “person under investigation” at “person under monitoring” sa Cagayan.