ROXAS CITY – Isinalaysay sa Bombo Radyo ng isang Capizeño na kauna-unahang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ang kaniyang karanasan matapos mahawa ng nasabing sakit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Patient No. 13, residente ng bayan ng Jamindan, Capiz at kawani ng kapitolyo sa lalawigan, hindi umano niya lubos akalain na madapuan ng nasabing sakit.
Napag-alaman na Marso 2 ng umuwi sa lalawigan ang pasyente galing sa national convention ng Philippine Councilors League na isinagawa sa Metro Manila.
Marso 6 umano ng manlamya ang kaniyang katawan at nakaranas ng pag-ubo hanggang sa nilagnat na ito noong Marso 13.
Minabuti nitong magpakonsulta sa doktor noong Marso 16, subalit naharang ito ng mga otoridad sa isinagawang border checkpoint sa lungsod, at matapos na makitaan ng sintomas ng COVID-19, dinala na ito sa ospital bilang patient under investigation (PUI).
Kinuhanan ito ng specimen upang mapasuri sa Research Institute for Tropical Medicine at lumabas ang resultang nagpositibo ito sa sakit noong Marso 24.
Samantala, masaya naman nitong ibinalita sa Bombo Radyo na bumubuti na ngayon ang kaniyang kundisyon habang patuloy na ginagamut sa Western Visayas Medical Center sa Iloilo City.
Ayun pa kay Patient No. 13, bumalik na rin ang kaniyang gana sa pagkain.
Humingi naman ito ng paumanhin sa kaniyang mga nakasalamuha noong mga araw na hindi pa niya nabatid ang kaniyang totoong kalagayan.
Samantala lubos rin ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang pamilya, mga kaibigan at sa mga tao na patuloy na nagpapaabot sa kaniya ng suporta at nananalangin para sa kaniyang tuloyang paggaling.