-- Advertisements --

Binatikos ni Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) chief Philip Ella Juico ang pagdeklara sa kaniya ng Philippine Olympic Committee (POC) bilang persona non-grata dahil sa alitan nila ni pole vaulter EJ Obiena.

Sinabi ni Juico na walang anumang due process na ginawa ang POC at basta na lamang siya idineklara bilang persona non-grata.

Dagdag pa nito na mayroong agad na pinaikot na resolution na pirmado ng 36 miyembro ng POC kung saan ang nasabing resolution umano ay hindi man lang naipresenta sa General Assemby ng POC.

Pagtitiyak pa ni Juico na kaniya pa ring itutuloy ang kaso ng PATAFA laban kay Obiena kahit na mayroong desisyon ang POC.

Magugunitang sa isinagawang general assembly ng POC ay mayroong 36 sa 54 regular national sports association na dumalo ang pumabor sa pagdeklara kay Juico bilang persona non grata.

Pinaburan nila ang desisyon ng executive board sa inihaing reklamo ni Obiena laban kay Juico na naging malisyoso ang akusasyon sa kaniya.