CAUAYAN CITY- Itinuturing pa rin ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na best Asian player si Ernest John Obiena sa larangan ng pole vault sa Olympiada.
Magugunitang nagtapos sa ika-11 puwesto si Obiena matapos na makapagtala ng 5.70 meter sa final na ginanap sa Olympic Stadium.
Nabahiran pa ito ng drama dahil sinubukan pa niyang iapela ang kanyang bigong tangka sa final attempt na 5.80 meter.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Philip Ella Juico, presidente ng PATAFA na ginawa nito ang lahat ng kanyang makakaya at natutuwa siya kahit wala itong nakuhang medalya.
Aniya, hanga siya sa ginawa ni EJ dahil walang Asian na makakapantay sa kanyang ginawa.
Kitang-kita naman aniya sa mukha nito na gusto niyang manalo kaya siya ay nagprotesta nang sa tingin niya ay hindi tama ang ginagawang procedure.
Dapat lamang din aniya na ipaglaban nito ang kanyang karapatan dahil gumalaw ang Pole at hindi siya dapat pinalundag dahil ito ay mali.
Sa ngayon ay pag-uusapan pa ang plano pagkatapos ng kanyang laro sa Olympics.