-- Advertisements --

Epektibo sa unang araw ng Hulyo ay aasahang maluwag na ang patakaran ng social distancing sa Timog Korea.

Sa anunsyo ni South Korean Health Minister Kwon Deok-cheol, layunin ng pagluluwag ay upang balansehin na ang pang-araw-araw na buhay ng kanilang mga mamamayan kahit nasa ilalim pa rin ng quarantine sa gitna ng coronavirus pandemic.

Kabilang sa pagbabago simula sa July 1 ay papayagan na hanggang alas-12:00 ng hatinggabi na makapag-operate ang mga restaurant, coffee shop at iba pang night life venues sa South Korea, na sa kasalukuyan ay hanggang alas-10:00 lamang ng gabi.

“Unless daily infections spike significantly, the government plans to allow gatherings of up to eight people in the greater Seoul area from July 15,” bahagi ng talumpati ni Kwon.

Sa huling update ng sitwasyon ng COVID sa South Korea, nakapagtala ng 429 bagong kaso ng deadly virus nitong Sabado, habang 2,002 ang kabuuang nasawi.