Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer sa mga patakaran kaugnay sa tamang pagpapasahod sa mga empleyado sa Labor day sa Mayo 1.
Sa inilabas na Labor Advisory No. 6 series of 2024, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang Mayo 1 na inoobserbahan bilang Araw ng Paggawa ay iprinoklama ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang regular holiday base sa Presidential proclamation 368.
Sa regular holiday sa Mayo 1, ang mga empleyado sa pribadong sektor na papasok sa trabaho ay dapat na makatanggap ng double pay.
Ang mga manggagawa naman na overtime sa trabaho sa Labor day ay dapat na bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate.
Ang mga magtratrabaho naman sa Labor day na nataon sa kanilang rest day ay dapat na bayaran ng karadagang 30% ng kanilang basic wage sa unang 8 oras ng trabaho at kapag overtime pa, dapat na bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang hourly rate.
Subalit para sa mga empleyadong hindi naman pumasok sa trabaho sa Labor day, mababayaran pa rin sila ng 100 porsiyento ng kaniyang sahod sa kondisyon na ang empleyado ay mag-uulat sa trabaho o nasa leave of absence with pay sa mismong araw bago ang regular holiday.