Nanawagan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada para sa pagsasabatas ng panukala na naglalayon na gawing pantay ang cash incentives na ibinibigay sa mga pambansang atleta, may kapansanan man o wala.
Ayon kay Ejercito, sa katatapos na Summer Olympics sa Paris, France, pinatunayan ng mga nagsilahok na mga atleta na kaya nilang makipagsabayan sa mga pinakamagagaling na mga manlalaro sa larangan na kanilang kinabibilangan.
Hindi malayo aniya lalo na kung mabibigyan ng tamang kasanayan, na magbigay din ng karangalan ang mga atletang may kapansanan na lumalahok sa international competitions.
Si Estrada ang pangunahing tagapagtaguyod sa Senado ng panukalang batas na nagsusulong na gawing pantay ang ibinibigay na cash incentives sa ilalim ng umiiral na batas para sa mga pambansang atleta, kasama ang mga atletang may kapansanan na makapag-uuwi ng medalya mula sa international sports competitions.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10699, o ang “National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act,” ang mga atleta na lumahok sa katatapos lamang na Paris Olympics at nanalo ng ginto, pilak, at bronze na medalya ay makakatanggap ng P10 milyon, P5 milyon, at P2 milyon na cash incentives.
Sa kabilang banda, ang mga paralympians na nakakuha ng una, ikalawa, o ikatlong puwesto sa pandaigdigang entablado ay makatatanggap lamang ng kalahati ng mga nasabing insentibo na ibinibigay sa kanilang Olympic counterparts.
Iminumungkahi ni Estrada ang pagbibigay ng P2 milyon sa gold medalists sa Asian Para Games at pagtaas ng kasalukuyang P150,000 incentive sa P300,000 para sa mga makakamit ng gintong medalya sa ASEAN Para Games.
Hangad din nito na madoble ang cash incentives para sa mga silver at bronze medalists sa Asian Para Games at ASEAN Para Games mula sa kasalukuyang halaga.