Ipinanawagan ng lokal na grupo na nagsusulong sa karapatang pantao ang patas na paggawad ng clemency para sa mga matatandang persons deprived of liberty (PDLs) matapos na idaing ng grupo ang umano’y hindi pagkakasama ng tinaguriang pinakamatandang political prisoner sa Pilipinas na nakapiit sa New Bilibid prison sa Muntinlupa city.
Ayon sa grupong Kapatid, hindi kasama sa magagawaran ng executive clemency ang 84 anyos na si Gerardo dela Peña na 11 taon ng nakakulong sa kabila pa ng ibinabang resolution na nagbibigay ng konsiderasyon para palayain ang mga presong edad 70 anyos pataas.
Iginiit ng grupo na mayroong credit si dela Peña para sa good conduct and time allowance base sa kaniyang record sa Bureau of Corrections kayat kwalipikado ito sa ilalim ng naturang resolution.
Kaugnay nito, umapela ang grupo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magbigay ng direktiba para siguruhin ang patas na pagpapatupad ng Bureau of Pardons and Parole resolution na layuning ma-decongest ang mga piitan.
Sa ilalim nito, ang mga preso na 70 anyos pataas na naisilbi na ang minimum na 10 taong sentensiya ay kwalipikado para sa executive clemency kabilang ang mga bilanggo na ikinokonsiderang high-risk at mayroong terminal illnesses o seryosong kapansanan.