LA UNION – Isinailalim sa autopsy ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang isang baby dolphin na natagpuang patay sa baybayin na sakop ng Barangay Taboc, San Juan, La Union.
Ito ay para malaman ang sanhi ng pagkamatay ng baby dolphin, na isang uri ng spinner dolphin (Stenella longirostris), dahil wala naman umanong nakitang sugat sa kanyang katawan.
Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Gino Mabalot, MDRRMC officer ng San Juan, La Union, sinabi nito na buhay pa ang baby dolphin nang unang makita ng mga residente ngunit ibinalik sa dagat.
Sa pangalawang beses, tinangka ng mga residente na ilagay sa mas malalim na bahagi ng dagat, ngunit nalaman nila na patay na ito.
Agad nilang ipinaalam sa opisina ni Mabalot at ipinasakamay din ng opisyal sa tanggapan ng BFAR para sa kaukulang disposisyon.
Ayon kay Mabalot, ang natagpuang baby dolphin ay 1-2 months pa lang ang gulang at posibleng nahiwalay ito sa kanyang ina.
Sa murang edad aniya, mababa ang survival rate ng isang baby dolphin dahil nakadepende pa ito sa mother dolphin.
Hinihintay na lang ngayon ang resulta ng autopsy sa namatay na dolphin.
Ang spinner dolphin o tinatawag din na long-snouted dolphin ay kilala sa pagiging acrobatic nito dahil sa kakaibang abilidad sa pagtalon.